DAGUPAN CITY- Natanggap na ng ilang tricycle drivers sa syudad ng Urdaneta ang P5,000 cash assistance mula sa gobyerno.

Ayon kay Ramon Ramos, Presidente ng Urdaneta City-TODA, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sa higit 5,000 beneficiaries ay umaabot lamang sa 4,269 ang nakatanggap sapagat hindi pa kumpleto ang kanilang master list at may inaantay pang dokumento para sa kanilang renewal.

Gayunpaman, ipinangako ni Department of Social Welfare Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian na magkakaroon ng special pay-out para sa mga hindi pa nakakatanggap, subalit hindi pa tiyak kung kailan pa ito maisasagawa.

--Ads--

Samantala, hindi aniya naiwasan ang kaonting problema sa pamamahagi ng cash assistance, kabilang na rito ang cross-matching para sa pagtitiyak ng lehitimong drivers.

Malaki naman ang kanilang pasasalamat sa gobyerno dahil malaking tulong ito para sa kanila lalo na ngayong mahirap ang buhay pagpapasada dulot ng krisis.

Pinaalalahanan naman nila ang mga kapwa drivers na gamitin ang natanggap na pera sa pangangailangan at hindi sa anumang bagay na hindi mahalaga, katulad ng bisyo.

Nabanggit naman ni Ramos na may ilang tricycle drivers sa kanilang syudad ang huminto na sa pamamasada, habang may ilan din na nagtaas ng kanilang pamasahe.

Aniya, pinahihintulutan naman nila ang ilang drivers na nagtataas ng pamasahe subalit, pinaalalahan nilang makiusap nang maayos sa kanilang mga pasahero.

Ilan din naman sa kanilang mga pasahero ang kusa nang nagbibigay ng karagdagan sa pamasahe.

Gayunpaman, hindi aniya nila hinahayaan ang mga drivers na overcharging sa pamasahe nang hindi kinakausap ang kanilang pasahero.