Umaasa ang transport sector na magpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na mga linggo upang kahit papaano ay mabawi ang malaking epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng diesel sa kita ng mga tsuper.
Ayon kay Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) President Liberty De Luna, malaking tulong sa mga tsuper ang inaasahang rollback, lalo na’t patuloy silang nabibigatan sa mataas na gastusin sa operasyon at kinakailangang dagdagan ang kanilang biyahe upang kumita.
Gayunman, sinabi ni De Luna na hindi pa sapat ang inaasahang pagbaba ng presyo ng krudo upang mabawi ang nawalang kita ng mga tsuper. Dagdag pa niya, malaking tulong man ang ₱1,000 na ayuda mula sa pamahalaan, mabilis din itong nauubos dahil sa patuloy na paggalaw ng presyo ng diesel.
Umaasa rin ang ACTO na maipagpapatuloy ang mga programang libreng sakay at service contracting upang masuportahan ang mga tsuper at transport cooperatives. Hiniling din nitong mabigyan ng patas na pagkakataong makasali sa service contracting program ang iba pang mga kooperatibang hindi pa kabilang dito.
Samantala, positibo naman si De Luna sa posibleng pagbangon ng kita ng mga tsuper sa nalalapit na Kapaskuhan, kung saan inaasahang madaragdagan ang bilang ng mga pasahero at biyahe.
Nanawagan din siya sa pamahalaan na ipagpatuloy ang pagbibigay ng tulong sa sektor ng transportasyon, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at patuloy na hamon sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan.










