Dagupan City – Nanawagan ang transport sector sa Pangasinan para sa agarang probational fare increase bunsod ng sunod-sunod na big-time oil price hike.

Ayon kay Bernard Tuliao, pangulo ng One Pangasinan Transport Federation, masakit para sa mga driver at operator ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis habang nananatili namang pareho ang halaga ng pamasahe.

Aniya, nauubos lamang ang kanilang kita sa pagpapagasolina. Aniya, maaaring makatulong kahit ang agarang ₱2 probational fare increase upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

--Ads--

Bagama’t aminado si Tuliao na maaaring hindi pa rin sapat ang naturang dagdag-pasahe, sinabi niyang maaari muna itong magsilbing pansamantalang tugon habang hinihintay ang mas konkretong ayuda para sa sektor.

Ipinaliwanag din ni Tuliao na ang probational fare increase ay maaaring pansamantala lamang at maaaring ibalik sa dating antas ang pamasahe sakaling bumaba ang presyo ng langis.

Umaasa rin ang transport sector na mapapabilis ng pamahalaan ang pagtugon sa kanilang panawagan, kasabay ng mabilis na pagtaas ng presyo ng krudo.

Samantala, ibinahagi ni Tuliao ang plano ng kanilang grupo na ibalik ang sistema ng double coding bilang paraan umano upang makabawi sa kita.

Aniya, kung magpapatuloy ang mataas na presyo ng langis habang maliit ang kinikita ng mga driver at operator, posibleng muling magkaroon ng kakulangan sa mga bumibiyaheng pampublikong sasakyan.

Nanawagan naman si Tuliao sa kaniyang mga kapwa driver na magtiis muna habang patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa posibleng tulong sa ilalim ng AICS program.

Patuloy naman nilang hinihintay ang tugon ng pamahalaan sa kanilang mga panawagan para sa transport sector.