Nanawagan ang Alliance of Concerned Transport Organization kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagbigyan ang kanilang kahilingan na magtaas ng singil sa pasahe kasunod ng panibagong pagtaas sa presyo ng langis sa susunod na Linggo.

Ayon kay Liberty de Luna, presidente ng Alliance of Concerned Transport Organization, malaking dagok sa mga tsuper at operator ang pagtaas ng presyo ng diesel, na aniya ay aabot sa sampung piso. Sinabi ni De Luna na malaking tulong na para sa mga nasa sektor ng transportasyon ang provisional fare increase na isa hanggang dalawang piso.

Aniya, hirap na ang maraming tsuper at operator dahil lumiit na ang kanilang kinikita habang patuloy na tumataas ang gastusin sa operasyon. Dahil dito, magpupulong ang iba’t ibang transport group upang pag-usapan ang mga susunod nilang hakbang.

--Ads--

Hiniling din ni De Luna kina Pangulong Marcos Jr., Department of Transportation o DOTr, at Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang agarang pagbibigay ng amortization assistance na dalawampung libong piso kada unit para sa mga kooperatiba at korporasyon sa buong bansa, at hindi lamang sa Metro Manila.

Aniya, kahit may fuel discount na 12 piso, hindi pa rin umano ito gaanong nararamdaman ng mga nasa transport sector. Nanawagan din ang grupo sa mga commuter na sana ay maunawaan ang kanilang kalagayan at ang dahilan ng kanilang paghiling ng dagdag-singil sa pasahe.