Kinuwestiyon ng Laban Manggagawa ang P22 bilyon na ginastos ng gobyerno para sa ASEAN Summit at ang naging epekto nito sa sektor ng paggawa. Ayon kay Achilles Montebon, Spokesperson ng Laban Manggagawa, lumahok ang maraming manggagawa sa mga kilos-protesta nitong mga nakaraang araw, kabilang na sa pagdating ng mga lider mula sa ASEAN nations. Kinondena rin niya ang pag-aresto sa ilang raliyista, dahil aniya ay karapatan ng mamamayan na magpahayag ng opinyon at dapat itong bigyan ng espasyo at maximum tolerance.

Iginiit ni Montebon na ipinakita lamang umano sa summit ang isang fake Philippines, kung saan pinaganda at nilinis ang mga kalsada, tinakpan ang mabahong ilog, at minadaling ayusin ang mga guhit sa daan para lamang sa mga bisita. Aniya, hindi ito ma-maintain at babalik din sa dati sa loob ng ilang buwan. Kinuwestiyon din niya ang pahayag ng Palasyo na magiging worth it ang gastos dahil lilikha ito ng trabaho, dahil matagal nang may problema ang gobyerno sa pagbibigay ng dekalidad at may nakabubuhay na sahod na trabaho.

Dagdag pa ni Montebon, malaking dagok din sa mga manggagawa ang tatlong araw na ASEAN holiday, kung saan maraming manggagawa ang hindi nakapasok at hindi sumahod dahil sa no work, no pay. Aniya, sana ay inilaan na lamang ang P22 bilyon sa kalusugan, kabuhayan, at dagdag-sahod, at sana ay pinlano rin ang tulong para sa mga maaapektuhang manggagawa. Sa huli, iginiit niya na bahagi ng demokrasya ang pagpoprotesta at hindi ito dapat pigilan, dahil ang mga pagkilos ng manggagawa para sa dagdag-sahod ay nakikinabang hindi lamang ang kanilang miyembro kundi lahat ng manggagawang Pilipino.

--Ads--