DAGUPAN CITY- Handang handa na ang Manaoag Traffic Operations Office kasama ang iba’t ibang ahensya sa pagpapatupad ng komprehensibong traffic management plan para sa darating na coronation event upang masiguro ang kaayusan at daloy ng trapiko.

Ayon kay Crisanto De Guzman, Head ng nasabing opisina na naghanda sila ng magkakahiwalay na ruta para sa mga dadalo sa programa at para naman sa mga ordinaryong motorista.

Nag-request na rin aniya sila sa lokal na pamahalaan ng sapat na force multipliers at seguridad kung saan aaboot sila ng mahigit 300 para tumulong sa kalsada.

--Ads--

Aniya na, pansamantalang isasara o lilimitahan ang mga sasakyan sa sentro ng bayan malapit sa Simbahan habang tanging mga marked vehicles at VIPs lamang ang papayagang makapasok sa main area.

Pagbabahagi nito na bawat lugar na panggagalingan ng mga sasakyan papuntang bayan ng Manaoag ay kanila nang inayos kung saan nakabukod ang daanan ng mga makikilahok na deritso sa parkingan at mga sasakyang dadaan lamang sa bayan.

Kaugnay nito, ipinatupad na simula sabado ang truck ban para masanay na ang mga malalaking sasakyan sa mga daanan bago sumapit ang kaganapan

Saad niya na, nakausap na nila ang ilang mga TODA na malapit sa mga itinalagang parking area na malayo sa simbahan na sila ang maghahatid sa nga deboto para kahit papano ay kumita sila.

Naghanda rin sila ng tinatawag na “backdoor rerouting plan” para sa mga tricycle drivers at mga mamimili na hindi makikiisa sa kaganapan lalo na ang mga hindi Katoliko.

Sisiguraduhin na makakapasok at makakalabas pa rin sila nang maayos papuntang palengke at makakapaghatid ng mga deboto.

Samantala, inamin naman ni De Guzman na makakaranas ng abala at pagsisikip ang ilang kalsada kaya nakikiusap sila sa publiko na magkaroon ng pang-unawa.

Pinapayuhan ang lahat na dumating nang maaga at sumunod sa mga itinakdang palatandaan at mga otoridad na naka-duty para iwas abala sa kalsada.

Samantala, mahigpit namang ipinagbabawal ang mga ilang bagay at gawain bukas upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng lahat ng dadalo sa selebrasyon.

Kabilang dito ang pagbabawal sa pagdadala ng anumang uri ng baril, pagdadala ng mga matutulis na bagay gaya ng kutsilyo, gunting, at cutter, paggamit ng anumang uri ng laser, pagpapalipad ng drone/FPV (maliban sa mga awtorisadong bahagi ng event), Pagdadala ng backpacks o malalaking bag, pagsusuot ng bullcaps, sumbrero, o anumang uri ng headwear, Pagdadala at pag-inom ng alak o anumang alcoholic beverages (beer, gin, wine, atbp.), paninigarilyo, vaping, at paggamit ng anumang electronic cigarette sa mga pampublikong lugar.