Nagkasagutan sa social media ngayong Biyernes, Hulyo 17 sina Senator Robin Padilla at Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippines Sea Rear Admiral Jay Tarriela kasunod ng paglabas ng state-backed media na China Daily ng isang AI-generated video na naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy.
Nauna na kasing hinamon ni Tarriela si Padilla kasama si Senador Alan Peter Cayetano na idemand sa China na humingi ng public apology sa mga Pilipino, gaya ng pagkondena sa kaniya noon at pagdemand na humingi ng tawad sa paggamit ng caricature ni Chinese President Xi Jinping.
Sa isang Facebook post, tumugon si Padilla kung saan sinisi niya si Tarriela sa pagsisimula umano ng gulo at sa pag-imbento ng wartime propaganda.
Pagdating naman sa Chinese media, tanong ni Padilla, hindi ba’t sa mga mata ng puting mananakop, pare-pareho tayong mga unggoy na magkakaiba ang kulay, kayumanggi ang mga Pilipino, habang kulay dilaw naman ang Tsino at Hapones?
Hindi aniya mapagkakaila ang pagkakaugnay ng ating mga lahi at sinabing ang pagbaba sa antas ni Tarriela ay pagtalikod umano sa ating Asian at Austronesian heritage.
Pinalagan naman ito ni Tarriela sa kaniyang X account. Nilinaw ng PCG official na hindi wartime propaganda ang kanilang transparency initiative kundi ito ay isang paraan para mabunyag ang mga agresyon at panghaharass ng China partikular na sa mga Pilipinong mangingisda at sa mga barko ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
“We do not create the incidents; we only document them,” saad pa ni Tarriela.
Ayon pa sa opisyal, isang insulto umano sa mahigit 26 na milyong Pilipino na bumoto kay Padilla na tanggaping tayo ay mga unggoy.
“Hindi po ito sa paningin ng mga white supremacist, kundi sa perspektibo mismo ng Chinese government — sila po ang gumawa at nagpakalat ng video na iyan,” giit pa ni Tarriela.
“Ako po, bilang Pilipino, ay hindi kailanman tatanggapin na unggoy ang aking lahi — at hindi ko rin matatanggap na unggoy ang mga susunod pang salinlahi ng ating bansa,” dagdag pa ng Rear Admiral.
Sa huli, iginiit ni Tarriela na ang “tunay na paggalang sa ating lahi ay ang ipagtanggol ito — hindi ang tanggapin ang pang-iinsulto!”
“HINDI PO MGA UNGGOY ANG PILIPINO!,” pagtatapos ni Tarriela sa kaniyang post sa X.
Una rito, naglabas ang China Daily ng video na nagpapakita ng isang unggoy na nakasuot ng Barong Tagalog at Salakot. Ipinakita rito na ang Pilipinas ay sinasabing kinokontrol ng US at Japan. Ito ay ginawan din ng parody kung saan nilalapastangan ang 2016 Arbitral Award, na pumabor sa Pilipinas at nagpawalang bisa sa malawakang pagaangkin ng China sa pinagtatalunang karagatan.| via Bombo Everly Rico










