DAGUPAN CITY- Umabot sa 4,097 ang bilang ng mga rehistradong botante sa Commission on Elections (COMELEC) Santa Barbara base sa kanilang huling tala, na mas mataas sa itinakdang target na 3,000 registrants para sa kasalukuyang panahon ng pagpaparehistro.

Ayon kay Maria Lorna Lopo, Election Officer, COMELEC Sta. Barbara, nakatakda ang Election Registration Board (ERB) meeting sa Abril 21, Martes sa susunod na linggo, para sa pag-apruba at pagdisapruba ng mga aplikasyon ng mga nagparehistro sa nasabing panahon.

Patuloy namang aktibo ang opisina sa pagsasagawa ng satellite registration at offsite registration sa mga barangay ng Santa Barbara. Aabot sa 29 na barangay ang kanilang nalibot para sa unang bugso ng pagpaparehistro, at kasalukuyan nang isinasagawa ang ikalawang round ng offsite registration sa parehong mga lugar upang mas mapalawak ang saklaw ng serbisyo.

--Ads--

Ayon kay Lopo, bukod dito, nakapagpatupad na rin ng registration activities sa iba’t ibang paaralan, partikular sa mga national high scool, kung saan personal na pinuntahan ang mga estudyante. Isinagawa rin ang offsite registration sa mga tanggapan ng mga senior citizens at sa DSWD, bukod sa regular na operasyon sa opisina ng COMELEC kapag hindi naka-assign sa field activities.

Inihayag din niya na wala pang balita ang naitatala kaugnay ng mga kandidato sa lugar sa kabila ng umiiral na mga usapin sa politika.

Gayunman, patuloy ang paalala ng COMELEC sa mga residente tungkol sa nalalapit na halalan sa Nobyembre 2, taong kasalukuyan habang itinakda naman sa Mayo 18 sa parehong taon ang huling araw ng voter registration.

Sa kabila ng nalampasang target, inaasahan pa ng COMELEC Sta. Barbara na may mga karagdagang magpaparehistro sa nalalabing panahon, lalo na ang mga kabataan at mga hindi nakahabol sa unang bugso ng registration sa mga barangay at paaralan dahil sa kakulangan sa oras o iba pang personal na dahilan.