Dagupan City – Kasalukuyang nasa kustodiya na ng San Manuel Municipal Police Station ang suspek sa pananaksak sa tatlo niyang magkakamag-anak sa Barangay Gueset Sur sa bayan ng San Manuel.

Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente pasado alas-9:00 ng gabi matapos umanong magkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at ang isa sa mga biktima, na kapwa sinasabing nakainom ng alak.

Sa gitna ng pagtatalo, umano’y bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak sa tiyan ang kanyang kamag-anak.

--Ads--

Tinangka namang awatin ng isa pang kamag-anak at ng menor de edad na anak ng biktima ang suspek, ngunit maging ang mga ito ay nasugatan din sa pananaksak bago tumakas ang suspek.

Agad namang nagsagawa ng operasyon ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

Narekober din ng mga awtoridad ang patalim na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Patuloy na inoobserbahan sa pagamutan ang tatlong biktima habang inihahanda ng pulisya ang kaukulang mga kasong isasampa laban sa suspek.