Matinding kasabikan ang nararamdaman ngayon sa Spain habang puspusan na ang paghahanda ng bansa para sa nalalapit na FIFA World Cup 2026 Final kung saan makakaharap ng kanilang pambansang koponan ang defending champion na Argentina.

Kasunod ng impresibong 2-0 panalo ng Spain laban sa France sa semifinal, naging pangunahing usap-usapan sa buong bansa ang inaabangang laban para sa kampeonato.

Patuloy na nagsasagawa ng ensayo ang koponan ni coach Luis de la Fuente, habang inaasahang magiging handa sa finals ang mahahalagang manlalaro tulad nina Lamine Yamal at Pedro Porro matapos sumailalim sa precautionary training.

--Ads--

Inihayag ni Bombo International News Correpondent Eva Tinaza na naghahanda na rin ang iba’t ibang lungsod sa Spain para sa malawakang panonood ng finals.

Sa Madrid, inaasahang muling dadagsain ng libu-libong football fans ang mga public viewing venues, kabilang ang Plaza de Colón, kung saan libre ang panonood para sa publiko.

Mahigpit na rin ang seguridad na ipinatutupad ng mga awtoridad sa mga lugar na pagdarausan ng public viewing upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng mga manonood.

Samantala, nakahanda ang mga pulis at emergency response teams upang agad na tumugon sa anumang insidente sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga tagasuporta.

Ayon naman sa mga Pilipinong naninirahan sa Spain, ramdam na ramdam na ang excitement ng mga mamamayan. Anila, halos lahat ay umaasang muling makapagtatala ng kasaysayan ang Spain at maiuwi ang ikalawang FIFA World Cup title nito matapos ang unang kampeonato noong 2010.

Nakatakdang magharap ang Spain at Argentina sa FIFA World Cup 2026 Final sa Hulyo 19, kung saan inaasahang magiging isa ito sa pinakamalaking laban sa kasaysayan ng pandaigdigang football.