Inilarawan ni Kristine Soriano, Bombo International News Correspondent, na “napakatahimik” na ng sitwasyon sa malaking bahagi ng Israel sa kasalukuyan, malayo sa tensyong naranasan noong mga nakaraang buwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, binigyang-diin ni Soriano na kahit may mga banta pa rin, mas malaya na silang nakakalabas at nakakagawa ng mga normal na aktibidad.

Sa gitna ng mga diskusyon para sa isang peace deal, nabanggit ni Soriano ang malaking impluwensya ng pahayag ni US President Donald Trump laban sa giyera at pag-atake sa Iran. Gayunpaman, may pag-aalinlangan ang gobyerno ng Israel sa lubos na paghinto ng operasyon.

--Ads--

May pangambang baka gamitin lamang ng kabilang panig ang tigil-putukan upang makabuo muli ng nuclear bomb. Sa kabila nito, mas nangingibabaw pa rin ang kagustuhan ng marami para sa katahimikan.

Patuloy naman umano ang paalala ng Embassy ng Pilipinas sa mga kababayan doon na manatiling alerto at mag-ingat saanman magpunta. Pinapayuhan ang mga OFW na maging aktibo sa pagbabantay sa kanilang paligid. Gumagamit din sila ng mga application upang malaman kung saan may mga posibleng pag-atake ng missile para sa kanilang kaligtasan.

Sa kabila ng mga pinagdaanan, nananatiling matatag ang pananampalataya ni Soriano at pinili niyang huwag munang magpa-repatriate.

Mensahe niya sa mga pamilya ng mga OFW sa Pilipinas na sila naman ay ligtas. Nagagawa pa rin aniya nilang mamasyal tuwing day-off at plano pa niyang magbakasyon sa Red Sea sa susunod na linggo.