Mariing tinutulan ng Sentro ng Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO) ang pansamantalang pagpapatigil sa implementasyon ng ₱85 minimum wage increase sa Metro Manila, kasunod ng pagpapalabas ng korte ng temporary restraining order (TRO).
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Josua Mata, Secretary General ng SENTRO, na malaking dagok ito sa mga minimum wage earners na matagal nang naghihintay ng dagdag-sahod sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Mata, hindi pa nga sapat ang aprubadong dagdag-sahod upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga manggagawa, ngunit pansamantala pa itong nahinto dahil sa TRO na hiniling ng dalawang construction firms.
Iginiit niya na may umiiral nang mekanismo sa ilalim ng batas para sa mga kumpanyang tunay na nahihirapang ipatupad ang wage increase, kaya’t hindi aniya nararapat na ang buong implementasyon ng wage order ay mapigil.
Inihayag din ni Mata na magsasagawa ang kanilang grupo ng mga legal na hakbang upang kuwestiyunin ang TRO.
Kabilang dito ang paghahain ng mosyon upang maalis ang restraining order at pag-aaral sa posibilidad ng pagsasampa ng kaukulang reklamo kaugnay ng naging desisyon ng hukuman.
Bukod sa legal na aksyon, sinabi niyang magsasagawa rin ang iba’t ibang labor groups ng magkakaugnay na pagkilos upang ipanawagan ang agarang pagpapatupad ng wage increase.
Kaugnay naman ng isinusulong na Pax Silica project na inaasahang lilikha ng libu-libong trabaho at hihikayat ng dayuhang pamumuhunan, sinabi ni Mata na nananatiling maingat at mapanuri ang kanilang organisasyon.
Bagama’t kinikilala niya ang layunin nitong makalikha ng bagong trabaho, sinabi niyang kinakailangan munang magkaroon ng masusing pag-aaral sa mga posibleng epekto nito sa suplay ng tubig, konsumo sa kuryente, paggamit ng lupa, at seguridad sa pagkain.
Binanggit din niya ang pangangailangang suriin ang mga kasalukuyang international trade agreements upang matiyak na mapapakinabangan ng bansa ang teknolohiya at pamumuhunan na maaaring dalhin ng naturang proyekto.










