Umabot na sa tinatayang 7,916 ang naitalang kaso ng dengue sa Region 1 hanggang Setyembre, batay sa pinakahuling datos ng Department of Health. Mas mababa ito ng 14.5 porsyento kumpara sa mahigit 9,000 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.


Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH Region 1, patuloy pa ring nadaragdagan ang mga kaso ng dengue sa rehiyon. Mahigit 700 bagong kaso ang naitala nitong nakaraang linggo, kaya patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon.


Inaasahan naman ang pagtaas ng mga kaso kasunod ng mga pag-ulan noong Agosto. Ang mga naiiwang tubig matapos ang pag-ulan ay maaaring magsilbing pamugaran ng lamok na nagdadala ng dengue virus.

--Ads--


Patuloy ang paalala ng mga health authority sa publiko na alisin ang mga bagay na maaaring pag-ipunan ng tubig, panatilihing malinis ang paligid at agad magpakonsulta kapag nakaranas ng mga sintomas ng dengue.