Kinondena ni Gabriela Women’s Party Representative Sara Elago ang mga pambabastos at misogynistic comments laban kay Representative Bel Zamora kasunod ng naging papel nito sa impeachment trial.


Ayon kay Elago, sa halip na talakayin ang mga isyung inilatag ni Zamora sa impeachment trial, nakatuon umano ang ilang pag-atake sa kanyang pagkatao at pagiging babae. Iginiit niyang hindi dapat maging normal ang ganitong uri ng asal online, at dapat malayang makapagsalita ang mga kababaihan sa mga pampublikong usapin nang hindi minamaliit, binabastos o tinatakot.


Sinabi rin ni Elago na bahagi ito ng mas malawak na kultura ng misogyny na inuugnay niya sa patriarchy sa lipunan. Bagama’t maaari ring maging biktima ng patriarchy ang kalalakihan, sinabi niyang mas malaki at hindi pantay ang epekto nito sa mga kababaihan.

--Ads--


Binigyang-diin naman ni Elago na hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng mga batas para maprotektahan ang kababaihan laban sa diskriminasyon at pang-aabuso. Aniya, kailangang baguhin ang kultura at paraan ng pakikipagdiskurso upang manatiling nakatuon ang mga debate sa mga isyu at posisyon ng mga pampublikong opisyal, sa halip na mauwi sa pambabastos, diskriminasyon at iba pang anyo ng abuso.