Inihayag ni Bernard Tuliao, Presidente ng AUTOPRO Pangasinan, na kasalukuyan nang naghihintay ang mga tsuper at operator sa lalawigan para sa implementasyon ng ₱10 diskwento kada litro ng krudo. Ayon kay Tuliao, naisumite na nila ang listahan ng kanilang mga miyembro sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at umaasang maipatutupad ito sa lalong madaling panahon, posibleng ngayong linggo, sa mga piling gasolinahan.
Sa kabila ng mga nagdaang rollback, binigyang-diin ni Tuliao na nananatiling mataas ang presyo ng diesel. Dahil dito, muli silang umaasa na mapagbibigyan ang kanilang hiling na ₱1 na provisional fare increase upang maging ₱14 ang minimum na pamasahe. Sa kasalukuyan, nananatili sa ₱13 ang minimum na pasahe sa mga tradisyunal na jeepney, bagaman may mga pasaherong kusa nang nagbabayad ng ₱15 o ₱20 nang hindi na kumukuha ng sukli.
Maliban sa diskwento sa langis, kinumpirma rin ni Tuliao na nakatanggap na ang kanilang mga miyembro ng ₱5,000 na ayuda mula sa DSWD noong nakaraang Mayo 15, gayundin ang ₱1,500 na fuel subsidy mula sa LTFRB para sa mga tsuper sa Dagupan.
Samantala, nagpaalala rin ang lider ng transportasyon sa mga drayber na mag-ingat sa tindi ng init ng panahon. Pinayuhan niya ang mga ito na magpahinga kung kinakailangan, uminom ng maraming tubig, at huwag kalilimutan ang kanilang mga maintenance na gamot upang maiwasan ang anumang banta sa kalusugan habang namamasada.
Bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng klase, nanawagan si Tuliao sa mga operator na tiyaking “road-worthy” o nasa mabuting kondisyon ang kanilang mga sasakyan. Inaasahan ng sektor na tataas ang kanilang kita sa pagbabalik ng mga estudyante sa mga lansangan.










