Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Roberto Ballon, Chairperson ng Katipunan ng mga Artisanong Mangingisda sa Pilipinas, hinggil sa nakaambang Super El Niño na inaasahang magdudulot ng matinding dagok sa kabuhayan ng mga mangingisda sa bansa.

Sa isang panayam, binigyang-diin ni Ballon na bago pa man ganap na manalasa ang El Niño ay nararamdaman na ang epekto nito sa karagatan, gaya ng coral bleaching o ang unti-unting pagkamatay ng mga bahura na nagsisilbing pangingitlogan ng mga isda. Dahil sa pag-init ng tubig at kapaligiran, lumalayo ang mga isda sa mga baybayin, kaya napipilitan ang mga mangingisda na pumalaot nang mas malayo na nagreresulta sa mas mataas na gastos sa gasolina.

Bukod sa banta sa huli ng isda, nangangamba rin ang sektor na maapektuhan ang season ng mga hipon at sugpo na karaniwang nagsisimula mula Hulyo hanggang Oktubre. Idinagdag pa ni Ballon ang panganib sa kalusugan ng mga mangingisda, partikular na ang banta ng heat stroke dahil sa tindi ng init habang nasa gitna ng dagat.

--Ads--

Sa gitna ng mga hamong ito, inihayag ni Ballon na lalong nagiging mabigat ang sitwasyon dahil sa mataas na presyo ng petrolyo at ang patuloy na agresyon sa West Philippine Sea.

Nagpapasalamat ang grupo sa mga tulong na ibinibigay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at iba pang ahensya, gaya ng mga semilya at kagamitang pangkabuhayan. Gayunpaman, umapela si Ballon sa pamahalaan na bilisan ang proseso ng pagbibigay ng subsidiya at ayuda, dahil sa ngayon ay mabagal aniya ang dating nito sa mga nangangailangan.

Nanawagan din ang lider ng mga mangingisda para sa pagkakaisa ng kanyang mga kasamahan at hiniling sa gobyerno na pakinggan ang kanilang mga rekomendasyon upang matiyak ang sustainable na suplay ng pagkain para sa mga Pilipino.