Dgaupan City – Kinondena ng pamunuan ng Sangguniang Bayan at lokal na pamahalaan ng Pozorrubio ang pagkakatuklas sa mga patay na baboy na basta nalang itinapon sa tabing-ilog sa Barangay Malasin kamakailan.
Matatandaan na nakita ito ng mga opisyal ng Barangay umaga ng linggo na namamaho at nasa stage of decomposition na dahil hinihinalang nasa 3 araw nang patay ang mga baboy bago itapon.
Sa tansya ng Barangay umaabot sa humigit kumulang 600 kilo ang timbang ng mga ito batay sa laki ng mga baboy.
Ayon kay Councilor Edwin Bautista, Committee Chairman ng Agriculture, ang insidente ay pinagtutuunan na ng pansin ni Mayor Kelvin Chan, kasama ang buong Sangguniang Bayan Members sa pamumuno ni Vice Mayor Maximiano Balelo, at mga opisyal ng nasabing barangay.
Pinaniniwalaang maaaring galing sa ibang lugar ang may kagagawan ng pagtatapon at hindi mula sa bayan.
Nagbabala ang mga opisyal na nakababahala ang ganitong pangyayari dahil maaaring magdulot ito ng pagkalat ng sakit sa mga alagang hayop at makaaapekto sa kalakalan ng karne sa buong bayan.
Dahil dito, mahigpit na binabantayan ngayon ang lahat ng 34 na barangay, kabilang ang mga entry at exit point sa bayan upang hindi na maulit ang ganitong gawain.
Sa ngayon, sinisiyasat ng opisina ng Municipal Veterinary ang mga naiulat na kaso ng pagkamatay ng mga baboy.
Bagaman hindi pa nakukumpirma ang tunay na sanhi nito, tinitiyak ng mga awtoridad na mahigpit na sinusubaybayan ang palengke, katayan, at iba pang kaugnay na pasilidad upang masiguro ang kaligtasan ng mamimili.
Dahil sa pangyayari, nagkaroon ng pangamba sa ilang mamimili sa pampublikong pamilihan.
Samantala, sinisiguro naman ng mga opisyal na patuloy ang pag-iimbestiga para managot ang nasa likod nito at paghihigpit sa pagbabantay sa kalakalan ng karne ng baboy para maiwasan ang posibleng paglaganap ng sakit ng mga baboy gaya na lamang ng African Swine Fever o ASF.










