DAGUPAN CITY- Nasawi ang tatlong indibidwal matapos masalpok ng isang mabilis na van ang isang garong sa kahabaan ng Brgy. Buayaen, bayan ng Bayambang, madaling araw kamakailan.
Idineklarang dead on arrival ang driver ng garong, at ang kanyang backride na kapwa mula sa Sto. Tomas, Pampanga, at maging ang driver ng van na patungong San Carlos City.
Ayon kay PLt. Col. Rommel Bagsic, COP ng Bayambang PNP, base sa isinagawang imbestigasyon, nakainom umano ng alak ang driver ng van at minadali ang takbo nito, dahilan upang mawalan ng kontrol at magdulot ng trahedya.
Dahil sa tindi ng impact, tumilapon ang dalawang sakay ng motorsiklo at sumalpok pa sa konkretong barrier at poste ng kuryente, nahati o nagkahiwalay naman ang garong.
Natukoy naman na ang pagkamatay ng driver ng van ay sanhi ng malubhang head injury.
Ayon kay Bagsic, agarang rumesponde sa insidente ang Bayambang PNP at task force Disiplina, na kaagad nagpatupad ng koordinasyon sa pagresponde at seguridad ng lugar.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pag-uusap ng mga pamilya ng mga nasawi upang alamin ang mga posibleng kaso at aksyon na maisasagawa dahil parehong nasawi ang lahat ng sangkot.
Samantala, nananawagan naman ang mga awtoridad ng mas higpit na seguridad sa mga pangunahing kalsada at mas maingat na pagmamaneho, lalo na sa mga lugar na madalas daanan ng mga heavy vehicles at motorsiklo.










