Nasawi ang isang ginang habang sugatan naman ang kaniyang mister matapos magsalpukan ang kanilang sinasakyang tricycle at isang motorsiklo na minamaneho ng lalaking residente mula sa bayan ng Pozorrubio.
Nangyari ang insidente sa kahabaan ng kalsada ng Brgy. Bonuan Binloc.
Ayon kay Pltcol. Lawrence Keith Calub, COP, Dagupan City PNP, base sa kanilang imbestigasyon, papasok ng lungsod ang mag-asawa na sakay ng tricycle habang palabas naman ng Dagupan ang motorsiklo.
Nagovertake umano ang motorsiklo sa isang trak at hindi nito namataan ang paparating na tricycle sa kabilang lane.
Parehong nagtangkang umiwas ang dalawang motorista, subalit sa parehong direksyon sila nagmaniobra kaya sila nagbanggaan.
Dahil sa lakas ng salpukan, nagtamo ng matinding pinsala ang ginang na sakay ng tricycle at idineklarang dead on arrival sa ospital.
Nagtamo rin ng sugat ang tricycle driver habang nasira ang parehong sasakyan.
Nahaharap ngayon ang motorcycle rider sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, reckless imprudence resulting to physical injury, at damage to property.
Nagpaabot naman ng paalala si Pltcol Lawrence Keith Calub sa mga motorista na maging maingat at iwasan ang pag-overtake kung walang malinaw na linya ng kalsada at visibility.