Dagupan City – Malaking dagok sa pulitika at reputasyon ni dating House Speaker Martin Romualdez ang kanyang pagkakaaresto kaugnay sa kasong kinakaharap nito, ayon kay Constitutional at Political Analyst Joseph Emmanuel Cera.
Ayon kay Cera, mahirap paniwalaang staged o isinadula lamang ang pag-aresto kay Romualdez dahil magiging magastos ito hindi lamang sa pananalapi kundi maging sa aspeto ng pulitika. Dagdag niya, naging malaking kahihiyan para kay Romualdez ang pagkalat ng mga larawan nito habang nakahiga sa hospital bed at nakasuot ng detainee shirt ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP.
Sinabi ni Cera na lalo itong naging usapin matapos ilipat si Romualdez sa Philippine General Hospital, kung saan iniulat na hindi life-threatening ang kanyang mga karamdaman. Gayunman, posible umanong piliin ni Romualdez na harapin at labanan ang kasong isinampa laban sa kanya, sa halip na idamay ang iba. Napansin din ni Cera ang pagiging mahinahon at mapagkumbaba umano sa pananalita ng dating House Speaker.
Binigyang-diin ni Cera na hindi madaling isipin noon na aabot sa puntong maaaresto si Romualdez, lalo na’t isa siya sa mga makapangyarihang opisyal ng pamahalaan. Aniya, ipinapakita ng kaso na maging ang mga opisyal na malapit sa administrasyon ay maaaring managot kapag may kinakaharap na kaso at sapat na batayan at ebidensya. Inihambing niya ito sa kaso ni dating Senator Leila de Lima, na kalaunan ay napawalang-sala matapos hindi mapatunayan ang mga paratang laban sa kanya.










