DAGUPAN CITY—Naniniwala si Sonny Africa, executive director ng IBON Foundation na pansamantala lamang ang ipinatupad na rollback sa presyo ng langis at hindi nito sapat na natutugunan ang bigat ng sunod-sunod na pagtaas sa nakalipas na mga linggo.
Ayon kay Africa, bagama’t positibong hakbang ang pagsasalita ni Pangulong Marcos hinggil sa tumataas na presyo ng langis, mahalaga umanong masundan ito ng konkretong aksyon mula sa pamahalaan upang tugunan ang krisis.
Ipinaliwanag ni Africa na ang kamakailang rollback ay epekto lamang ng usap-usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran. Ngunit dahil hindi ito nauwi sa makabuluhang kasunduan, inaasahang hindi rin magtatagal ang pagbaba ng presyo ng langis.
Dagdag pa niya, kakarampot lamang ang ibinabang presyo kumpara sa malalaking pagtaas nito sa mga nagdaang linggo.
Kaugnay naman sa pagpasok ng libu-libong suplay ng langis, sinabi ni Africa na hindi ito dapat agad hangaan. Aniya, kung isasaalang-alang na umaabot sa humigit-kumulang 230 milyong litro ang konsumo ng bansa kada linggo—kung saan nasa 170 milyong litro ang gasolina—ang ganitong mga anunsyo ay maaaring bahagi lamang ng pagpapakitang aksyon at hindi tunay na solusyon.
Binigyang-diin din niya na hangga’t nagpapatuloy ang tensyon sa Gitnang Silangan, hindi dapat umasa ang publiko sa malaking rollback sa presyo ng langis sa mga susunod na panahon.
Para kay Africa, mas mahalagang tingnan kung paano tutugon ang pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng krisis sa pandaigdigang merkado. Sa kasalukuyan, aniya, tila walang nakikitang makabuluhang bagong hakbang ang gobyerno upang resolbahin ang problema.
Idinagdag pa niya na kung walang batas na magpapakilos ng bagong pondo para tugunan ang krisis, ang mga kasalukuyang hakbang ng pamahalaan ay maituturing lamang na mga lumang solusyon na binigyan ng bagong anyo, ngunit hindi sapat upang harapin ang lumalalang sitwasyon.










