Target nang ilunsad ng Region 1 Medical Center (R1MC) ang online referral system na magpapabilis sa paglilipat at pagre-refer ng mga pasyente sa pagitan ng mga healthcare institution, partikular sa mga government hospital.
Ayon kay Dr. Marvin C. Callanta, Officer-in-Charge at Medical Center Chief ng R1MC, inatasan na niya ang kanilang Information Technology (IT) team na maisakatuparan ang sistema upang mapadali ang koordinasyon sa pagitan ng mga ospital at mas mabilis na matugunan ang pangangailangan ng mga pasyenteng nangangailangan ng referral.
Sa unang yugto, target na magamit ang sistema ng mga pampublikong ospital, habang kabilang naman sa susunod na plano ang pag-integrate ng mga pribadong ospital upang mas mapalawak ang referral network ng mga healthcare institution.
Layunin ng online referral system na mapabilis ang proseso ng paglipat ng mga pasyente mula sa isang ospital patungo sa ibang pasilidad na may kakayahang magbigay ng kinakailangang medical services.
Bukod dito, isinusulong din ng R1MC ang paggamit ng digital QR code system para sa pagsusumite ng feedback, reklamo, at iba pang concern ng mga pasyente, empleyado at bisita ng ospital.
Sa pamamagitan ng pag-scan sa QR code, maaaring direktang maiparating sa kinauukulang departamento ang mga concern, kabilang ang mga reklamo hinggil sa serbisyo, na inaasahang mas mabilis na matutugunan dahil sa real-time monitoring.
Nasa 50 feedback o concern na umano ang natanggap sa pamamagitan ng sistema, habang patuloy pa ang pamamahagi ng QR codes at paglalagay ng mga impormasyon upang mas maraming hospital clients ang makagamit nito.
Umaasa ang pamunuan ng R1MC na sa pamamagitan ng digitalization ay mapapabilis ang referral process, feedback mechanism, at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga pasyente at iba pang hospital clients.










