Dagupan City – Nagpatupad ng pansamantalang dagdag-pasahe ang mga provincial bus simula noong Sabado, Marso 14, ayon sa anunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Kasunod ito ng inaprubahang provisional fare increase sa pamamagitan ng kautusan na inilabas noong Biyernes, na nagresulta sa updated na gabay sa pasahe para sa mga provincial public utility buses (PUBs).

Ayon sa bagong pasya, tataas ang pasahe ng air-conditioned, super deluxe, at deluxe provincial buses ng P0.35 kada kilometro, habang ang luxury buses ay magkakaroon ng dagdag na P0.45 kada kilometro. Para sa ordinary provincial buses, tataas ng P1.00 ang base fare at P0.30 sa bawat susunod na kilometro.

--Ads--

Binigyang-diin ng LTFRB sa mga bus operator ang mahigpit na pagsunod sa bagong gabay sa pasahe at ang malinaw na paglalagay ng updated fares sa loob ng mga sasakyan upang maging gabay ng mga pasahero.

Hinikayat din ang mga commuter na suriin ang tama at updated na pasahe at i-report agad sa LTFRB ang anumang labag sa regulasyon o overcharging.