Malaki ang tiwala ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez na unti-unting maiibsan ang problema sa pagbaha sa lungsod, basta’t maayos at tama ang implementasyon ng mga isinasagawang flood mitigation projects.
Ayon kay Fernandez, ang Department of Public Works and Highways o DPWH ang nangunguna sa mga proyekto para sa creek at pumping station, habang susuportahan naman ng lungsod ang Oplan Kontra Baha ng national government gamit ang lokal na pondo ng Sangguniang Panlungsod.
Nangako rin ang alkalde na patuloy na makikipagtulungan ang Dagupan City sa mga programa ng national government para matugunan ang problema sa pagbaha. Kabilang sa kasalukuyang isinasagawa ang road at drainage improvement projects sa Mayombo-Caranglaan, Zamora Extension, A.B. Fernandez, Carael at Calmay.
Aniya, mahigpit nilang binabantayan ang mga proyekto upang matiyak na maayos ang implementasyon at walang napapabayaang bahagi. Regular din siyang umiikot kasama ang City Engineer upang personal na mamonitor ang progreso ng mga proyekto.
Hinihikayat naman ni Fernandez ang mga residente na iparating sa city government ang kanilang mga problema sa kanilang lugar upang agad na matukoy at matugunan ang mga ito.










