Pinapalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Tarlac, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang pagpapatupad ng Project LAWA at BINHI para sa mga mamamayang posibleng maapektuhan ng tagtuyot.

Ito ay upang mapaghandaan ang inaasahang pagtama ng matinding Super El Niño ngayong buwan ng Oktubre at sa susunod pang buwan.

Ayon kay Arvin Cabalu, Information Officer ng Lalawigan ng Tarlac, nakatuon ang proyekto sa pagbibigay ng tulong at alternatibong pangkabuhayan sa mga residente, lalo na sa sektor ng agrikultura.

--Ads--

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy na ang mga pagsasanay na isinasagawa ng Office of the Provincial Agriculturist kasama ang pamahalaang panlungsod kung saan tinuturuan ang mga lokal na magsasaka at mangingisda na magtanim ng resilient crops at gumawa ng mga artificial lake para sa pag-aalaga ng hito at tilapia.

Nanganganib aniya ang pangkabuhayan ng marami dahil 71% ng kabuuang lupain ng Tarlac ay nakalaan sa agrikultura, habang umaasa lamang ang lalawigan sa tubig-ulan, irigasyon ng National Irrigation Administration (NIA), at groundwater.

Paliwanag ni Cabalu, bagama’t may umiiral na Armenia Dam, napakaliit nito upang suportahan ang buong probinsya, kaya’t muling ipinapanawagan ang pagtatapos ng Balog-Balog Multipurpose Project—isang dambuhalang high-dam na inihain pa noong 1967 sa ilalim ng ideya ng pumanaw na Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. at patuloy na nakatengga ang Phase B sa kabila ng mga pangako ng nakalipas na administrasyon ngunit inaasahan na sana ay maipagpatuloy na kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para makatulong sa mga magsasaka sa kanilang probinsya.