Dagupan City – Posibleng maharap sa legal action si dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV kaugnay ng mga inilabas nitong impormasyon sa isinagawang press conference sa Club Filipino sa San Juan City, ayon kay Atty. Francis Dominic Abril, legal at political consultant.

Ayon kay Abril, maaaring magkaroon ng problema si Trillanes kung naglabas siya ng financial records o iba pang sensitibong impormasyon ng ilang personalidad nang walang pahintulot ng mga ito.

Posible rin aniyang sampahan siya ng contempt o kuwestiyunin sa ilalim ng sub judice rule, depende sa naging laman at epekto ng kaniyang mga pahayag.

--Ads--

Binigyang-diin din ni Abril na hindi awtomatikong maituturing na valid evidence sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte ang isang press conference clip o video.

Kailangan pa aniyang mapatunayan ang authenticity ng mga dokumento at impormasyon, gayundin kung may personal na kaalaman si Trillanes sa mga ito at kung paano niya nakuha ang naturang datos.

Inaasahan din ni Abril na maaaring ipatawag ang mga pinagkuhanan ng impormasyon ni Trillanes, lalo na’t tila may data-driven analysis at historical tracing sa mga ipinresenta nitong datos.

Aniya, maaaring kuwestiyunin ang naturang hakbang dahil hindi naman awtorisado si Trillanes na basta magsiwalat ng impormasyon, kahit pa nagsagawa siya ng masusing imbestigasyon.

Samantala, hinggil sa naging pagtestigo ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, sinabi ni Abril na naging diretso umano ang pagsagot ng alkalde sa mga tanong sa impeachment proceedings.

Tungkol naman sa sunod-sunod na suspensyon ng impeachment proceedings, sinabi ni Abril na wala namang itinakdang deadline para sa naturang proseso.

Gayunman, aniya, nahahati ang oras ng mga mambabatas dahil kailangan din nilang gampanan ang kanilang legislative functions, kabilang ang pagtalakay at pagpasa ng mga appropriation bill, lalo na’t hindi pa umano pinal ang deliberasyon sa panukalang pambansang badyet para sa susunod na taon.