Dagupan City – Kabilang sa mga dahilan ng karahasan na nararanasan tuwing halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM ang pagkakahati-hati ng mga tribo at political clans sa Mindanao.
Ito ang sinabi ni geopolitical observer Denmark Suede sa panayam kaugnay ng sitwasyon sa rehiyon at sa nalalapit na halalan.
Ayon kay Suede, may mga pagkakataong nagsasanib ang iba’t ibang tribo upang magkaroon ng iisang layunin at harapin ang pwersa ng pamahalaan, ngunit kalaunan ay nagkakaroon din ng pagkakahati-hati dahil sa magkakaibang interes at tunggalian ng mga grupo.
Sinabi rin niya na ilang beses nang nabigyan ng pagkakataon ang Moro Islamic Liberation Front o MILF na magkaroon ng sariling pamamahala sa ilalim ng mga kasunduang naglalayong magbigay ng awtonomiya sa Bangsamoro.
Gayunman, ayon kay Suede, ang mga hindi pagkakasundo sa loob ng mga grupo at iba pang political forces ay naging dahilan upang magkaroon ng mga pagbabago at hamon sa pagpapatuloy ng naturang awtonomiya.
Dagdag ni Suede, mahalagang tingnan ang mga umiiral na hidwaan sa pagitan ng mga tribo at political clans upang maunawaan ang ugat ng karahasan sa BARMM. Aniya, habang may mga grupong nagkakaisa sa ilang layunin, maaari rin itong mauwi sa pagkawatak-watak na nakaaapekto sa katatagan at seguridad ng rehiyon.








