Isinagawa ng Commission on Elections ngayong Sabado ang final testing and sealing ng automated counting machines sa Mindanao bilang bahagi ng huling paghahanda sa makasaysayang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao parliamentary elections.
Personal na sinaksihan ni Comelec Chairman George Garcia ang pagsubok at pagse-seal sa mga makina sa Cotabato City Institute sa Cotabato City na isa sa mga itinalagang polling center.
Ginawa ang naturang proseso upang tiyakin ang husto at porsyentong kahandaan, pati na rin ang ligtas, maayos, at tapat na pagdaraos ng halalan sa Setyembre 14.
Naka-standby naman ang mga tauhan ng pulisya sa Dalican Pilot Elementary School sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte habang hinihintay ang pagdating ng mga gagamiting makina.
Ayon sa pamunuan ng Dalican Pilot Elementary School, gagamitin ang labing-anim na silid-aralan bilang polling places kung saan bawat kwarto ay lalagyan ng tig-iisang automated counting machine.
Samantala, nagtaas na ng full alert status ang Philippine National Police sa buong rehiyon ng BARMM upang seguruhin ang kapayapaan at seguridad sa unang parliamentary elections sa lugar.










