Nagtalaga ang Philippine National Police (PNP) ng karagdagang mga tauhan at resources para sa rescue at disaster response operations sa mga komunidad na sinalanta ng pagbaha dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan dala ng southwest monsoon o habagat.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inilaan ng pambansang pulisya ang mas maraming personnel at resources para sa evacuation at iba pang kinakailangang disaster response operations.

Ito ay dahil sa patuloy na nakararanas ng matinding pag-ulan ang Luzon, na nagresulta sa malawakang pagbaha sa Metro Manila at mga karatig lugar.

--Ads--

Nauna pa rito, nagsagawa rin ng preemptive evacuation ang ilang lokal na pamahalaan, partikular sa mga komunidad na madaling bahain at mga lugar na malapit sa mga waterways.

Samantala, nananatiling mataas ang banta ng pagbaha at landslide sa ilang bahagi ng Luzon.

Ayon sa PAGASA, nakataas ang red rainfall warning sa Ilocos Sur at Benguet, na nangangahulugang posibleng lumampas sa 200 millimeters ang ulan at magdulot ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa.

Inatasan naman ang mga police unit sa mga apektadong lugar na makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad upang tumulong sa mga residenteng kailangang lumikas o nangangailangan ng iba pang assistance.

Hinimok ni Nartatez ang publiko na manatiling kalmado ngunit mapagmatyag at sundin ang mga abiso ng mga awtoridad para sa kanilang kaligtasan.

Nagbabala rin ang PNP laban sa pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon tungkol sa lagay ng panahon dahil maaari umano itong magdulot ng takot at panic sa publiko.