Dagupan City – Pinaigting ng Lingayen Municipal Police Station ang seguridad sa kanilang detention facility upang maiwasan ang anumang insidente ng pagtakas ng mga preso.
Ayon kay PLtCol Junmar C. Gonzales, Chief of Police, regular na isinasagawa ang lingguhang inspeksyon o galugad sa loob ng custodial facility bilang bahagi ng kanilang seguridad. Bukod dito, patuloy ding mino-monitor ang kalagayan ng mga detainee sa pamamagitan ng 24-oras na pagbabantay ng itinalagang jail guard at pag-iikot sa paligid ng pasilidad.
Isinusulong din ng himpilan ang moral at espiritwal na aspeto ng mga nakakulong sa pamamagitan ng pag-imbita ng mga preacher upang mabigyan sila ng gabay at pag-asa habang kinahaharap ang kanilang sitwasyon. Mayroon ding random na inspeksyon mula sa mga kinatawan ng Department of Justice at Human Rights Affairs Office ng provincial police upang matiyak ang maayos at makataong kalagayan sa loob ng kulungan.
Samantala, kaugnay ng pinaigting na pagpapatupad ng mga ordinansa na isinusulong ng Department of the Interior and Local Government, nakikipagtulungan ang pulisya sa mga barangay sa pagpapatupad ng mga alituntunin tulad ng pagbabawal sa indecent exposure o paglabas nang walang damit pang-itaas, limitasyon sa oras ng videoke hanggang alas-diyes ng gabi, at curfew para sa mga menor de edad.
Binigyang-diin ni Gonzales na mahalaga ang pagtalima sa karapatang pantao sa pagpapatupad ng mga ito at iniiwasan ang anumang uri ng pang-aabuso. Ipinaliwanag din na tungkulin ng kapulisan ang ipatupad ang mga umiiral na batas, ordinansa, at kautusan ng lokal na pamahalaan para sa kapayapaan at kaayusan ng komunidad.
Patuloy ang panawagan ng Lingayen PNP sa publiko na makiisa at sumunod sa mga ipinatutupad na alituntunin upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa buong bayan.










