Dagupan City – Isinagawa ang ribbon-cutting ceremony para sa Pista at Pamana: An Art Exhibit of Pangasinan Festivals, na nagtipon sa mga artist mula sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan upang itampok ang kultura at mga festival ng lalawigan.

Ayon kay Pangasinan artist Gino Tioseco, nasa 30 artist ang lumahok sa exhibit, kabilang ang mga mula sa Urdaneta, Pozorrubio, Bugallon, Anda at iba pang bayan sa lalawigan. Kabilang sa mga likhang tampok ang mga obra na hango sa iba’t ibang pagdiriwang, kabilang ang Puto Festival sa Calasiao.

Nabuo ang exhibit matapos ang imbitasyon sa mga artist na makibahagi sa pagdiriwang. Bukas din ang grupo sa mga batang nais matuto at sumubok sa sining, bilang bahagi ng kanilang adbokasiya para sa inclusivity sa art community.

Samantala, ipinakita rin ni senior Pangasinan artist Paco Santos ang isang obra na ginawa niya kasama ang kaniyang apo. Bagama’t nakatuon ito sa Pistay Dayat 2027, bahagi ito ng mas malawak na pagpapakita ng mga ideya at likhang-sining ng mga artist sa exhibit.

Layunin ng Pista at Pamana na maipakita sa pamamagitan ng sining ang kultura, tradisyon at mga pagdiriwang ng Pangasinan, habang hinihikayat ang publiko, lalo na ang kabataan, na pahalagahan at ipagpatuloy ang sining bilang bahagi ng pamana ng lalawigan.