Mahigit dalawang linggo nang nagpapatuloy ang malawakang wildfire sa Spain at patuloy pa rin ang paglawak ng nasusunog na mga lugar, sa kabila ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng pamahalaan at mga awtoridad na mapigil ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eva Tinaza, Bombo International News Correspondent sa Spain, sinabi nitong ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng posibleng hakbang upang maapula ang sunog.
Gayunman, malaking hamon ang matataas na apoy sa mga kabundukan na hindi na kayang maabot ng mga bombero sa lupa. Dahil dito, kinakailangan ang paggamit ng mga eroplano at helicopter upang magbagsak ng tubig sa mga lugar na patuloy na nilalamon ng apoy.
Ayon pa kay Tinaza, magkakahiwalay ang mga lugar na apektado ng wildfire kaya lalo pang nahihirapan ang mga bombero sa pagsugpo sa sunog.
Dahil sa lawak ng pinsala, tumutulong na rin ang ilang karatig-bansa ng Spain sa operasyon upang mapabilis ang pag-apula ng apoy at maiwasan ang lalo pang pagkalat nito.
Sa kasalukuyan, itinuturing na ito ang pinakamalaking wildfire na naranasan ng Spain sa mga nakalipas na taon, kung saan marami nang mga bahay, sasakyan, at taniman ang nawasak bunsod ng matinding sunog.
Patuloy namang nakabantay ang mga awtoridad habang isinasagawa ang mga hakbang upang maprotektahan ang mga residente at mapigilan ang karagdagang pinsala.










