Opisyal nang magbabalik-Pilipinas ang global phenomenal pop group na BTS para sa kanilang most-awaited “ARIRANG” World Tour na gaganapin sa Philippine Sports Stadium sa Bulacan sa Marso 13 at 14, 2027.
Inanunsiyo ng local promoter na Live Nation Philippines ang kapana-panabik na comeback tour ng BTS, na binubuo nina Jin, RM, j-hope, Jimin, Suga, V, at Jung Kook, na tiyak na magpapaiyak at magpapatalon sa tuwa sa bawat Pinoy ARMY.
Mas exciting ang concert ngayong taon dahil magtatanghal ang grupo gamit ang isang 360-degree stage setup na magbibigay sa fans ng mas immersive at mas malawak na viewing experience.
Kasabay rin ng anunsyo ang paglabas ng official seat map, at fan perks na lalong nagpasaya sa mga ARMY na matagal nang naghihintay sa pagbabalik ng grupo sa Pilipinas.
Nasa ₱25,000 ang VIP Soundcheck tickets, ₱20,000 para sa Floor Standing, ₱13,500 para sa Bleachers 1, at ₱7,500 naman para sa Bleachers 2.
Kasama sa perks ng VIP Soundcheck ticket holders ang access sa pre-show soundcheck party, VIP laminate at lanyard, early entry, maagang access sa merchandise, at exclusive VIP gift.
Para naman sa presale, kinakailangang mag-enroll muna ang fans sa ARMY Membership Global sa Weverse Shop. Nagsimula na ang registration ngayong May 22 kaninang ala-una ng hapon na magtatagal hanggang March 27 alas-10 ng gabi.
Ang ARMY Membership Presale ay nakatakda sa June 9 alas-11 ng umaga, habang ang Live Nation Presale ay sa June 10 alas-11 ng umaga.
Samantala, ang general ticket selling ay magsisimula sa June 11 alas-11 ng umaga sa pamamagitan ng Ticketmaster Philippines.
Naglabas din ng guidelines para sa mga concertgoers. Ang standing section ay para lamang sa edad 13 pataas, habang ang seated sections ay bukas para sa mga edad 8 pataas, basta’t may kasamang ticket-bearing adult ang mga menor de edad.
Hindi rin papayagang makapasok sa standing section ang mga buntis at mga may medical conditions para sa kaligtasan na rin ng lahat.
Matatandaang huling nagtanghal ang BTS sa Pilipinas noong May 2017 para sa “The Wings Tour” sa Mall of Asia Arena. Bago ito, nagsagawa rin sila ng concerts sa bansa noong 2016 at unang nakilala ang Filipino fans noong 2014 sa pamamagitan ng “The Red Bullet” tour.
Noong April 2025 naman, bumalik sa Maynila si BTS member j-hope para sa kanyang “Hope On The Stage” solo concert.
Inilabas ng BTS ang kanilang “Arirang” album noong March 20 na may kabuuang 14 tracks. VIA Bombo Everly Rico










