Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa mga lugar na nakararanas ng pagbaha matapos ang magkakasunod na pag-ulan sa lalawigan.
Ayon kay Pia Navata Flores, Emergency Operations Center Supervisor ng Pangasinan PDRRMO, bagama’t unti-unti nang gumaganda ang kondisyon ng panahon, nananatiling mataas ang lebel ng ilang ilog. Umaabot pa sa spilling level ang Marusay River, habang above normal naman ang lebel ng Sinocalan at Bued River.
Patuloy ding mino-monitor ng PDRRMO ang mga lugar sa Calasiao, Sta. Barbara, San Fabian, Dagupan City, Lingayen, Bugallon, Mangatarem, Alcala at Urdaneta City na nakararanas pa rin ng pagbaha dulot ng pinagsama-samang epekto ng mga nakaraang pag-ulan, LPA, Tropical Depression Luis, Habagat at Tropical Cyclone Maymay.
Sinabi ni Flores na naging maagap ang ilang local disaster risk reduction and management offices at lokal na pamahalaan sa pagsasagawa ng pre-emptive evacuation bago pa lumala ang sitwasyon. Batay sa monitoring alas-10 ng umaga, nasa 619 pamilya o 2,212 indibidwal ang naitalang evacuees, hindi pa kabilang dito ang datos mula sa Dagupan City.
Samantala, iniulat ni Kimpee Jayson Cruz, Lingayen LDRRMO III, na lahat ng 32 barangay ng Lingayen ay naapektuhan ng pagbaha. Patuloy ang kanilang roaming at monitoring lalo na sa mga barangay na malapit sa ilog at dagat, kung saan mabilis na tumataas ang tubig kapag kasabay ng pag-ulan ang high tide.
Batay sa kanilang situational report, nasa 14,137 pamilya o 44,595 indibidwal ang apektado ng pagbaha sa Lingayen. May ilang residente nang lumikas patungo sa mga itinalagang evacuation center, habang ang iba naman ay nakauwi na matapos bumaba ang tubig sa kanilang lugar.
Ayon kay Cruz, patuloy na nakaantabay ang Lingayen LDRRMO 24 oras para sa rescue, evacuation at medical assistance. Kasama rin sa kanilang monitoring ang water level, weather condition at high tide upang agad na makapagbigay ng babala sa mga komunidad na nasa mabababang lugar.
Sa panig ng PDRRMO, patuloy ang koordinasyon sa mga LGU upang matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng karagdagang suporta. Naka-standby rin ang mga search and rescue team para sa agarang pagtugon sakaling magkaroon ng emergency o kinakailangang paglikas.
Hinikayat nina Flores at Cruz ang mga residente na huwag maging kampante, lalo na ang mga nakatira malapit sa ilog, baybayin at iba pang flood-prone areas. Pinapayuhan ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso at agad na lumikas kapag ipinag-utos ng mga awtoridad.










