Dagupan City – Nagpaalala ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa publiko na iwasang basta lumusong sa tubig-baha dahil maaari itong magdulot ng panganib sa kalusugan at kaligtasan.
Ayon sa PDRRMO, maaaring may dalang bakterya, dumi, kemikal, bubog at iba pang mapanganib na bagay ang tubig-baha na hindi agad nakikita. Maaari rin itong magdulot ng impeksiyon, lalo na sa mga taong may sugat o bukas na bahagi ng balat.
Pinapayuhan ang mga residente na hangga’t maaari ay iwasang direktang makontak ang tubig-baha. Kung hindi naman maiiwasang mabasa o lumusong, mahalagang agad na maghugas gamit ang malinis na tubig at sabon upang mabawasan ang panganib ng impeksiyon.
Hinimok din ang publiko na manatiling maingat sa panahon ng pagbaha at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad upang maiwasan ang anumang insidente at panganib sa kalusugan.










