DAGUPAN CITY- Marami pang mga pagdadaanang proseso ang kailangang mangyari upang makamit ng LGBTQIA+ Community ang tunay na pagkilala para sa pantay na karapatan.
Sa panayam ng Bombo radyo Dagupan kay Jay De Jesus, Spokesperson, True Colors Coalition, maraming beses na kinikilala lang ang LGBTQIA+ sa paraang may kondisyon, tinatawag itong “tolerance,” kung saan may kasamang “pero” at kailangan munang “mag-fulfill” ng pamantayan bago tanggapin.
Malaki ang pagkakaiba ng “acceptance” sa “tolerance.”
Hunyo rin ang itinakda bilang Pride Month upang alalahanin ang makasaysayang kaganapan sa Estados Unidos na naging simula ng aktibong laban ng LGBTQIA+ laban sa diskriminasyon.
Mula sa kaganapang iyon, lumitaw ang iba’t ibang organisasyon na nagtutulak para sa karapatang pantao at pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Gayunpaman, inamin ni De Jesus na malayo pa ang tatahakin ng Pilipinas pagdating sa karapatang pantao ng nasabing komunidad.
Isa sa mga hamon ay ang kawalan ng pambansang batas na nagpoprotekta laban sa diskriminasyon.
Sa pagkukumpara, marami na umanong bansa ang umusad sa usapin ng marriage equality, samantalang sa Pilipinas ay nananatiling hindi kinikilala ang parehong kasariang pag-iisang dibdib.
Sa huli, nanawagan si De Jesus sa publiko at mga mambabatas na ipagpatuloy ang laban para sa karapatan.