Muling nagbigay ng karangalan sa Pangasinan si ultra runner Romeo Quinsay matapos masungkit ang kampeonato sa Endurance Challenge Philippines 2026, isang matinding 155-milya o halos 250-kilometrong karera mula Baler, Aurora hanggang Kilometer Zero sa Luneta, Maynila.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ibinahagi ni Quinsay ang hirap at hamon ng naturang karera na nagsimula sa Baler at nagtapos sa sentro ng Maynila.
Ayon sa kanya, hindi naging madali ang ruta dahil binubuo ito ng sunod-sunod na ahon at lusong, kasabay ng matinding init ng panahon at pabago-bagong kondisyon ng klima.
May itinakdang 52 oras na cut-off time para matapos ang buong karera, ngunit nagawa ni Quinsay na makarating sa finish line nang mas maaga sa itinakdang oras.
Isa sa mga naging hamon sa huling bahagi ng karera ay ang walang tigil na pag-ulan mula San Jose del Monte, Bulacan hanggang Maynila. Gayunman, sinabi niyang naging handa siya rito dahil bahagi ito ng kanyang regular na pagsasanay.
Ipinaliwanag din ng kampeon na sa isang ultra-endurance event tulad nito, hindi maaaring ibigay agad ang buong lakas sa simula pa lamang.
Bukod sa pagiging kompetisyon, nagsilbi rin aniyang paghahanda ang Endurance Challenge para sa mas malaking target niya sa susunod na taon—ang North Luzon Loop 1,500-kilometer Endurance Run.
Sa kabila ng matinding kompetisyon, sinabi ni Quinsay na masaya siyang nakasama ang ilan sa pinakamahuhusay na ultra runners sa bansa, kabilang ang mga Hall of Famers at dating kampeon.
Kapansin-pansin na sa apat na ultra-endurance races na kanyang sinalihan na lampas 100 milya, pawang kampeonato ang kanyang naiuwi.
Matapos ang kanyang panibagong tagumpay, magpapahinga muna si Quinsay nang hindi bababa sa isang linggo upang makarekober ang kanyang katawan bago muling bumalik sa pagsasanay.
Nagpasalamat din siya sa kanyang pamilya, support crew, mga ka-team, sponsors at sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa kanyang karera.
Samantala, inaanyayahan niya ang publiko na abangan ang kanyang mga susunod na karera kabilang ang Tarlac 100 Miles sa Hulyo, Banahaw 100 Miles, Banahaw to Manila, at ang inaabangang North Luzon Loop Endurance Run, na pawang inorganisa ng race director na si Jun Alegre.










