Dagupan City – Hinikayat ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang mga residente na magsagawa muna ng masusing inspeksyon sa kanilang mga bahay matapos ang tuloy-tuloy na pag-ulan bago bumalik sa kanilang mga karaniwang gawain.

Kabilang sa dapat suriin ang mga posibleng bitak sa bahay, pinsala sa bubong at dingding, gayundin ang mga nakalaylay na kable at iba pang maaaring magdulot ng panganib sa mga nakatira.

Pinayuhan din ang publiko na tingnan ang kondisyon ng mga electrical connections at tiyaking walang bahagi ng bahay na maaaring pagmulan ng aksidente, lalo na kung naapektuhan ito ng baha o matinding pag-ulan.

--Ads--

Ayon sa PDRRMO, mahalagang tiyaking ligtas ang buong bahay bago muling gamitin ang mga pasilidad at ipagpatuloy ang normal na gawain upang maiwasan ang karagdagang insidente matapos ang masamang panahon.

Patuloy namang hinihikayat ang mga Pangasinense na manatiling mapagmatyag at unahin ang kaligtasan ng bawat miyembro ng pamilya sa panahon ng recovery mula sa epekto ng pag-ulan.