Dagupan City – Nagpaalala ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa mga residente na huwag maging kampante kahit unti-unti nang humuhupa ang tubig-baha sa ilang lugar sa lalawigan.
Ayon sa PDRRMO, maaaring magdulot ng biglaang pagtaas ng tubig sa mga ilog ang pabugso-bugsong pag-ulan, gayundin ng mabilis at malakas na pag-agos ng tubig na maaaring maging panganib sa mga residenteng nasa malapit sa mga daluyan ng tubig.
Hinikayat ang publiko, lalo na ang mga nakatira malapit sa ilog, sapa at iba pang mabababang lugar, na patuloy na subaybayan ang lagay ng panahon at mga abiso ng mga kinauukulang ahensya.
Pinayuhan din ang mga residente na iwasang lumapit o tumawid sa mga ilog at iba pang binabahang lugar, partikular kapag patuloy ang pag-ulan sa mga upstream area, upang maiwasan ang mga insidenteng dulot ng biglaang pagtaas at mabilis na pag-agos ng tubig.










