Dagupan City – Patuloy na umaasa sa suporta ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ang Pangasinan Asinderos habang naghahanda sa kanilang pagsabak sa finals ng National Basketball League (NBL) Pilipinas.

Ayon kay Coach Jayson Vinluan, first assistant coach ng koponan, bagama’t malalakas ang kanilang mga nakalaban, kabilang ang Taguig City Generals, napatunayan pa rin ng mga atletang Pangasinense ang kanilang husay at kakayahan sa basketball.

Sa ngayon, nakatuon ang koponan sa pagpapahusay ng kanilang mga atake at mga play upang maging mas handa sa susunod na laban.

Binigyang-diin din ni Vinluan ang kahalagahan ng pagpapanatili ng composure mula simula hanggang dulo ng laro upang maipakita ang kanilang determinasyon.

Wala rin umanong maituturing na nag-iisang star player sa koponan dahil bawat miyembro ay may mahalagang ambag sa bawat play at quarter ng laro.

Umaasa naman si Vinluan na magpapatuloy ang suporta ng pamahalaang panlalawigan at ng mga Pangasinense sa kanilang kampanya sa finals.

Samantala, iginiit ni Rosales Mayor Liam Cezar ang kahalagahan ng pagpapanatili ng composure sa loob ng court, lalo na sa mga pagkakataong dehado ang koponan.

Paalala rin niya sa mga manlalaro na huwag gumanti sakaling masaktan o maudyukan ng kalabang player sa gitna ng laro.

Umaasa naman ang Pangasinan Asinderos na mabibigyan sila ng pagkakataong maipamalas ang kanilang galing sa finals kontra Pampanga.