Dagupan City – Mas pinaigting ng Pangasinan National High School (PNHS) ang pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa pagpapahusay ng reading literacy at numeracy ng mga mag-aaral sa pagbubukas ng School Year 2026–2027.

Ayon kay Marilyn R. Roxas, Master Teacher III, Cluster Head at Literacy Coordinator ng Senior High School, isinailalim sa literacy at numeracy assessment ang lahat ng Grade 11 at Grade 12 learners bilang bahagi ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program ng Department of Education.

Aniya, gumagamit ang assessment ng standardized test mula sa DepEd Central Office upang masukat ang kakayahan ng mga mag-aaral sa English, Filipino, at Mathematics at matukoy ang mga nangangailangan ng karagdagang interbensyon.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Roxas na ang mga mag-aaral na nasa emerging at developing levels ay sasailalim sa regular na intervention sessions dalawang beses kada linggo gamit ang mga learning materials na inihahanda ng mga guro.

Aminado rin siyang may kakulangan pa sa ilang learning resources, ngunit patuloy ang paghahanda ng mga guro upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng programa.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng suporta ng mga magulang upang maging matagumpay ang ARAL Program.

Samantala, sinabi ni Minda P. Orjalo, Junior High School English Reading Coordinator, na patuloy na ginagamit ng paaralan ang Philippine Informal Reading Inventory (Phil-IRI) upang masukat ang reading ability ng mga mag-aaral at matukoy ang mga isasama sa ARAL Program.

Aniya, nakatuon ang programa hindi lamang sa tamang pagbasa kundi higit sa pagpapalawak ng reading comprehension upang mas maunawaan ng mga estudyante ang kanilang binabasa.

Ibinahagi rin ni Orjalo na noong nakaraang school year, umabot sa 92 porsiyento ng 1,958 mag-aaral na lumahok sa ARAL Program ang nagpakita ng pag-unlad sa kanilang reading level.

Dagdag pa niya, kabilang sa mga hamon na kinakaharap ng ilang estudyante ang kakulangan sa learning resources, kahirapan sa buhay, at limitadong suporta mula sa tahanan.

Sa bahagi naman ng numeracy, sinabi ni Flordeliza R. Ramos, EdD, Head Teacher VI ng Mathematics Department, na patuloy na ipinatutupad ng PNHS ang paggamit ng Khan Academy bilang libreng online learning platform para sa Mathematics at Science.

Napili rin ang paaralan bilang Pathfinder School ng Asian Development Bank-funded Khan Academy Program.

Ayon kay Ramos, mahigit 550 mag-aaral ang nakinabang sa programa noong nakaraang taon at kinilala ang Pangasinan National High School bilang isa sa mga nangungunang implementer ng Khan Academy sa Region 1.

Patuloy aniya ang pagsasagawa ng mga numeracy intervention upang higit pang mapaunlad ang kakayahan ng mga mag-aaral sa matematika sa tulong ng teknolohiya at suporta ng mga guro.