Dagupan City – ‎Nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan, ang mga pamantayan sa pagpili ng mga benepisyaryo ng pamamahagi ng ayudang bigas mula sa pambansang pamahalaan at pamahalaang panlalawigan, kung saan prayoridad ang mga pamilyang mababa o walang katiyakan ang kita at mga kabilang sa mga sektor na higit na nangangailangan ng tulong.
‎
Batay sa DBM-DILG Joint Circular No. 1, series of 2026, na gumagabay sa paggamit ng Local Government Support Fund–Financial Assistance sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act, nakabatay sa itinakdang kwalipikasyon ang pagpili ng mga benepisyaryo.

Kabilang sa mga prayoridad ang mga pamilyang kapos sa kita, mga manggagawang minimum wage earner o mas mababa ang sahod, at iba pang sektor na nangangailangan ng tulong sa pagkain.
‎
Sinimulan noong Mayo ang pamamahagi ng bigas sa ilalim ng programa ng munisipyo, na umabot sa ikaapat na tranche hanggang Setyembre. Kabilang sa mga nabigyan ang mga miyembro ng transportasyon at mga solo parent.

Samantala, mula Hulyo hanggang Agosto isinagawa ang pamamahaging pinangasiwaan ng pamahalaang panlalawigan para sa mga boluntaryo sa barangay, persons with disabilities o PWD, at iba pang pamilyang mababa ang kita.
‎
Ayon sa lokal na pamahalaan, hindi prayoridad ang mga indibidwal o pamilyang may regular at matatag na pinagkakakitaan, kabilang ang mga permanenteng kawani ng gobyerno.

Gayunman, maaari pa ring maisaalang-alang ang mga job order, contract-based at no-work-no-pay na manggagawa depende sa kanilang kalagayan.

Dahil limitado ang alokasyon ng bigas, layunin ng pamantayan na maituon ang ayuda sa mga pamilyang higit na nangangailangan nito.