Pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang suporta nito sa sektor ng transportasyon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino, tuloy-tuloy ang koordinasyon ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Ramon Guicoo III sa national government upang makahanap ng karagdagang tulong para sa mga drayber at operator ng mga public utility vehicle (PUV).
Bagama’t hindi inaasahan ang biglaang oil price hike, sinabi ni Lambino na may mga hakbang na ginagawa ang pamahalaan upang maibsan ang epekto nito sa publiko.
Kabilang dito ang pagpapatuloy ng libreng serbisyong pangkalusugan at pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa lalawigan.
Nilinaw rin ng bise gobernador na hindi direktang nagbibigay ng trabaho ang pamahalaan.
Sa halip, layunin nitong lumikha ng mga oportunidad sa pamamagitan ng Provincial Employment Services Office (PESO) at iba pang ahensya na nag-aalok ng mga training at livelihood programs.
Matatandaang nagsagawa rin ang Sangguniang Panlalawigan ng public hearing kasama ang mga operator at drayber ng pampublikong transportasyon upang talakayin ang epekto ng oil crisis at posibleng mga solusyon para sa sektor.










