Nakahanda ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan na gabayan at suportahan ang mga lokal na magsasaka sa gitna ng malaking banta ng Super El Niño sa agrikultura ng lalawigan.

Ayon kay Gobernador Ramon “Mon-mon” Guico III, inaasahang magdudulot ng pagkaantala at malaking pagbaba sa ani ng palay at iba pang pananim ang matinding tagtuyot.

Dahil dito, nakatutok ang lalawigan sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng Corporate Farming Program at sa tulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO.

Bagamat isang malaking hamon ng pagbabago ng klima ang El Niño na mahirap pigilan, tiniyak ng gobernador na magsisilbing tulay ang pamahalaang panlalawigan upang mabilis na makarating ang tulong mula sa pambansang pamahalaan patungo sa mga affected na magsasaka.

Pangunahing prayoridad ngayon ng lalawigan ang solusyon sa patubig sa mga sakahan.

Dahil dito, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaang panlalawigan sa National Irrigation Administration o NIA upang maayos at maipatupad ang mga proyektong patubig sa Agno River Irrigation System at sa mga pasilidad na malapit sa San Roque Dam.

Kaugnay nito, naglabas na rin ng babala ang PAGASA ukol sa pagbaba ng antas ng pag-ulan sa bansa ngayong buwan ng Oktubre hanggang Disyembre dahil sa ganitong phenomenon.

Bilang mabilis na aksyon, masusing binabantayan ng PDRRMO ang mga sakahang mabilis matuyo sa pamamagitan ng binuong Pangasinan El Niño Task Force, habang isinusulong naman ng NIA at Department of Agriculture ang paggamit ng mga solar-powered irrigation pump sa mga malalayong lugar na hindi naabot ng irigasyon.

Kasabay nito, sinusuri na rin ang mga sakahang kabilang sa Corporate Farming Program upang alamin kung anong mga alternatibong pananim na matibay sa tagtuyot ang pwedeng itanim habang mababa ang supply ng tubig.