Isang mas matatag at estratehikong sentro para sa kaligtasan ang isinusulong sa Sangguniang Panlungsod upang matiyak na ang Dagupan ay mananatiling handa sa anumang kalamidad. Sa pamamagitan ng isang resolusyong inihain ni Konsehal Joey Tamayo, binigyang-diin ang pangangailangan para sa isang “Ligtas Center” na magsisilbing bagong command center ng lungsod.
Ayon kay Konsehal Tamayo, bagama’t ang kasalukuyang command center ay matatagpuan sa ika-apat na palapag, ang paligid nito ay nagiging biktima ng pagbaha tuwing may bagyo o mataas na tubig (high water). Ang sitwasyong ito ay nagdudulot ng panganib at abala sa operasyon dahil ang lugar ay “underwater” sa panahon ng sakuna.
Bukod sa baha, tinukoy rin ni Tamayo ang problema sa masikip na parking area na napupuno ng mga sasakyan tuwing may emergency. Ipinanawagan niya na ang bagong command center ay maitayo sa isang lugar na mataas at higit sa waterline ng lungsod, malayo sa mga masikip na lugar at walang magiging problema sa parking, at magkaroon ito ng sapat na espasyo para sa lahat ng rescue vehicles upang maiwasan ang aberya tuwing may emergency.
Nagpahayag naman ng buong suporta si Konsehal Michael Fernandez sa nasabing resolusyon. Sa kanyang pahayag, binigyang-diin niya na ang pamahalaang lungsod ay hindi dapat maging kampante sa kabila ng mga natatanggap na pagkilala.
Binanggit din niya na matapos magkaloob ang lungsod ng mga kagamitan para sa disaster preparedness sa mga barangay, ang pagkakaroon ng isang “solid” na command center ang susunod na mahalagang hakbang upang maging maayos ang lahat ng operations anuman ang dumating na kalamidad.










