Pinabulaanan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang akusasyon ng China na nagtatapon ng basura ang mga sundalong Pilipino sa Second Thomas Shoal, at hinamon ang Beijing na magpakita ng ebidensya upang patunayan ang kanilang mga paratang.
Ginawa ng Kalihim ang pahayag matapos maglabas ang Chinese state media ng CCTV video na umano’y nagpapakita ng mga Pilipinong sundalong sakay ng BRP Sierra Madre, na nagsusunog ng mga materyales sa dek at nagtatapon ng mga kinakalawang na container sa naturang karagatan.
Ayon sa DND chief, kung seryoso ang China sa kanilang akusasyon, dapat nilang patunayan ito sa tamang paraan.
Ang Second Thomas Shoal, o Ayungin Shoal, ay matatagpuan sa 105 nautical miles kanlurang bahagi ng Palawan at isa sa siyam na maritime features na kontrolado ng Pilipinas sa Spratly Islands.
Nauna nang iniulat ng mga awtoridad ng Pilipinas na may natuklasang cyanide sa mga nakumpiskang bote mula sa mga bangka ng China malapit sa shoal noong Oktubre.
Ayon sa mga eksperto, ang cyanide ay isang nakalalasong kemikal na ginagamit sa ilegal na pangingisda na sumisira sa mga coral reefs.
Giit ni Teodoro, ang China ang siyang gumagawa ng mga ilegal na aksyon sa pinag-aagawang karagatan.










