DAGUPAN CITY- Nagkasundo ang mga opisyal ng pamahalaang bayan ng Binmaley at mga fishpen operator na simulan sa Mayo 15 ang pagbabaklas ng mga iligal at hindi awtorisadong istruktura sa kailugan bilang bahagi ng pagpapatupad ng Executive Order No. 36 series of 2023.
Ito ang naging resulta ng ikalawang pulong na isinagawa ngayong Mayo 7 kaugnay ng rehabilitasyon ng kailugan ng Binmaley. Nauna nang nagsagawa ng initial meeting noong Enero 16 habang itinakda naman sa Mayo 12 ang huling pagpupulong bago ang aktuwal na operasyon.
Ayon kay Councilor Gericho “Ikong” Francisco, chairman ng Committee on Agriculture at may-akda ng ordinansa, layunin ng panukalang regulasyon na ayusin at gawing pantay ang paglalagay ng fishpen, fish cage at iba pang istruktura sa kailugan upang magkaroon ng maayos na kabuhayan ang mga residente.
Ipinaliwanag ni Francisco na suportado ng Sangguniang Bayan ang hakbang ng alkalde na si Mayor Pedro “Pete” Merrera III na linisin ang ilog habang inihahanda rin ang ordinansang magtatakda ng wastong sukat, lokasyon at regulasyon ng mga fishpen at fish cage sa bayan.
Sinabi rin nito na handang tumulong ang munisipyo sa pagtanggal ng mga iligal na istruktura lalo na sa mga operator na walang kakayahang gumastos para sa pagbabaklas. Gayunman, nilinaw niyang hindi kukumpiskahin ng lokal na pamahalaan ang mga materyales at mananatiling pag-aari ito ng mga operator.
Samantala, nagpahayag naman ng suporta si Rodrigo “Rod” Aquino, isang fishpond at fishpen operator mula sa Barangay Calaocan Sur, sa isasagawang rehabilitasyon ng ilog.
Ayon kay Aquino, matagal nang suliranin ng Binmaley River ang mahinang kalidad ng tubig dahil napapalibutan ito ng mga daluyang tubig mula sa Dagupan City at Lingayen. Aniya, malaki ang epekto ng patuloy na pagdami ng fishpen at iba pang harang sa ilog sa pagbagsak ng kalidad ng tubig at paghina ng huli ng maliliit na mangingisda.
Sinabi rin niyang makatutulong ang pagtanggal ng mga istruktura upang mapabilis ang agos ng tubig at mabawasan ang polusyon sa kailugan kabilang ang mga basura at animal waste.
Bagama’t aminadong may ilang operator na maaapektuhan sa operasyon, naniniwala si Aquino na marami pa rin ang handang sumunod dahil nakikita na rin umano nila ang patuloy na paglala ng kondisyon ng tubig at pagbaba ng produksiyon sa kanilang mga palaisdaan.
Sa kabila ng inaasahang epekto sa ilang operator, naniniwala ang mga opisyal na makatutulong ang hakbang upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan ng ilog sa mahabang panahon










