Tinalakay ni Engr. Rodrigo Corpuz, General Manager ng Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO), ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at ang kahalagahan ng pagtitipid sa kuryente.
Ayon kay Corpuz, naramdaman na ng kooperatiba ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo mula pa noong 2022, partikular nang magkaroon ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na hindi maaaring direktang i-adjust ng kooperatiba ang singil sa kuryente upang mapanatili ang kanilang operasyon. Kaugnay nito, ang National Electrification Administration, alinsunod sa kautusan ng Pangulo, ay nag-utos sa lahat ng electric cooperative na magpatupad ng masusing pagtitipid sa lahat ng aspeto ng operasyon.
Binanggit din ni Corpuz na ang epekto ng supply and demand sa mga produkto ngayon ay hindi maiiwasan, ngunit naniniwala siya na may kakayahan ang kooperatiba at mga konsumer na makayanan ang sitwasyon.
Dagdag pa niya, kapag pinagsama-sama ang maliit na pagtitipid sa buong bansa, malaking tulong ito sa gobyerno at sa ekonomiya ng bansa.










