DAGUPAN CITY- Itinaas na ang pangunahing mga daanan sa Longos Elementary School sa bayan ng San Fabian matapos ang isinagawang pagsasaayos sa tulong ng lokal na pamahalaan.
Layunin ng proyekto na mapabuti ang kalagayan ng paaralan at matiyak na ligtas ang pagpasok at paglabas ng mga mag-aaral at guro lalo na tuwing may masamang panahon.
Ayon sa pamunuan ng paaralan sa pangunguna ni School Principal Delia Magsanoc, bumisita ang alkalde at bise alkalde ng bayan upang tiyakin ang patuloy na suporta sa rehabilitasyon ng eskwelahan.
Kabilang sa kanilang ininspeksyon ang mga natapos na elevated pathway na inaasahang makatutulong upang maiwasan ang pagbaha sa loob ng campus.
Kasunod nito, nakatakda rin ang pagpapatuloy ng ikalawang yugto ng pagsasaayos ng school hall.
Inaasahang maibibigay ang kinakailangang tulong sa lalong madaling panahon upang maihabol ang pagkukumpuni bago ang nalalapit na pagtatapos ng mga mag-aaral.
Sa ngayon, patuloy ang koordinasyon ng paaralan at lokal na pamahalaan para sa iba pang pangangailangan ng Longos Elementary School, bilang bahagi ng mas malawak na programa para sa pagpapabuti ng mga pampublikong pasilidad sa edukasyon sa bayan ng San Fabian.










