Sinang-ayunan ni cybersecurity specialist Tzar Umang ang hakbang ng Kamara de Representantes na ipatawag si Meta CEO Mark Zuckerberg upang humarap sa Department of Information and Communications Technology o DICT sa isang pagdinig kaugnay ng social media safety.
Ayon kay Umang, karapatan ng anumang gobyerno o bansa na ipatawag ang sinumang indibidwal na kinakailangang humarap at magbigay ng impormasyon. Gayunman, karaniwan aniyang kinatawan ng isang kumpanya ang ipinadadala sa mga ganitong pagdinig.
Mas magiging mainam aniya kung mismong CEO ng Meta ang haharap dahil mas malinaw nitong maipapaliwanag ang mga polisiya at teknolohiyang ginagamit ng kompanya para sa kaligtasan ng mga gumagamit ng kanilang mga platform.
Sinabi rin ni Umang na may tanggapan na ang Meta sa Pilipinas at nakikipagtulungan na ito sa mga law enforcement agency, kabilang ang mga intelligence unit, sa pagbibigay ng impormasyon kaugnay ng mga kaso tulad ng child pornography, suicide at kidnapping.
Binigyang-diin ni Umang na mahalagang marinig mismo mula sa Meta kung paano gumagana ang kanilang teknolohiya at mga mekanismo para sa online safety, kabilang ang age restriction sa paggawa ng Facebook account.
Mahalaga rin aniya ang patuloy na koordinasyon ng Meta at DICT, lalo na sa monitoring at pagtugon sa mga insidenteng may kaugnayan sa kaligtasan ng mga gumagamit ng social media.










